Nagbabanggaan ang LTO at ilang mga congressmen sa pamumuno ni Prospero Nograles. Kasi, sinisita ng pinuno ng LTO na si Bert Suansing ang pag-abuso sa paggamit ng tinatawag na “protocol” plates. Ang protocol plate ay plaka ng sasakyan na mababa ang numero, binibigay sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan. Si GMA ay Numero Uno, si Kabayan,
Numero 2; si Manny Villar, Numero Tres; si Nograles ay Kuwatro; si Chief Justice Puno ay Singko; ang mga miyembro ng gabinete ni GMA ay Sais; habang Siyete ang mga senador at Ocho ang mga congressmen.
Ang siste, may mga congressmen na ginagamit ang plaka nila para ikabit sa mga smuggled o hot cars, gaya ng mga nanggagaling sa Cagayan Export Processing (kuno) Zone. Ang iba naman ay pinahihiram,
o pinagagamit ang plakang Ocho sa mga kaibigan o nagbayad na mga Chinoy. Libre huli nga naman, at nakapang-aabuso sa kalsada. Mahal ang bayad diyan, bata. Kaylaki na ng kurakot sa kanilang pork barrel, may masisiba pang rumaraket sa Numero Ocho’ng plaka. Pati ito binebenta? Magkano kaya?
Para matigilan na ang pang-aabuso, simple ang solusyon. Tanggalin na ang tinamaan ng lintik na mababang plaka, o “protocol” plates. Kung gusto ng pangulo at pangalawang pangulo, sila na lang. Aba e sa Maynila nga, mayroon pang konsehal lamang na nagsipagpagawa ng plaka na ang nakalagay ay malaking numero ng kanilang distrito, gaya halimbawa ng “5”,
na akala mo sa malayo ay Chief Justice, iyon pala, konsehal lamang ng Distrito 5. Mapanlilinlang pa, makapagyabang lamang. Kaya’t uulitin natin -- tigilan na lahat ng protocol plate. Tutal, mas “secure” pa ang mga opisyal kung walang plakang mababa. Hindi sila mabibisto ng mga kriminal o terorista, o ng kanilang mga misis kung may sakay silang ibang babae sa kanilang sasakyan.
At pwede ba, Mamang Pulis Sonny Razon, o sinuman ang papalit sa kaibigan natin, ipagbawal na ang mga motorcycle at mobile patrol escorts sa mga VIP? Nu’ng panahon ni Pangulong Erap, at ako naman ay naka-6 na plaka rin noon, iisa lang sa amin ang may pa-escort-escort pa. Maging si Ronny Zamora na Executive Secretary, walang escort, walang wang-wang. Maging si Ping Lacson na hepe ng PNP, walang nakangusong motorsiklo. Sino lang ang mahilig sa ganitong kayabangan? E ‘di yung bossing ngayon ni Sonny Razon sa gabinete, na bata rin ni Erap nu’ng panahong iyon.
Pero ngayon, pagkadaming opisyal ang isang damukal na ang bodyguard, e kuntodo wang-wang at motorsiklo pa. May senador nga diyan, wala namang kontrobersyal na kasong iniimbestigahan, kung bumiyahe ay kulang na lang pangulo ng bansa ang dami ng nakabuntot. At may dalawa pang naka-motorsiklong escort na pulis.
Minsan ay nagtaka ako nang pumasok sa isang restawran at sa labas ay isang platoon ng naka-polo barong na bodyguard ang istambay. Ni hindi ko tinanong kung sino ang may army sa loob, at tuluy-tuloy ako sa itaas kung saan may kausap ako. Driver ko na lang ang nagsabi paglabas ko kung may kilala raw akong Villar na hindi naman si Senate President.
Kamakailan, ang mga bodyguard nito ay nanggulpi ng isang Chinoy na negosyante sa isang hotel sa Makati. Bakit? Kasi ihing-ihi na ang kaawa-awang Chinoy, pero ayaw papasukin ng mga bodyguard ni Villar. Hindi naman si Villar ang nasa loob, na ayaw maistorbo ng kanyang mga bodyguard. Nandoon sa restawran ng hotel ang kanilang amo. Ang ayaw nilang maistorbo ng ibang parokyano ng hotel ay mismong kapatid na saksakan ng kapangyarihan, na siya palang kausap ni Villar sa restawran.
Ayaw papasukin ng mga bodyguard ni Villar ang Chinoy na si Simon Paz,
e hindi naman ito babae, sa palikuran ng mga lalaki na marami namang ihian at kubeta. Pumalag ang Chinoy, ginulpi. Ayon, nasa ospital pa ang kawawa, at ilang araw bago nabalikan ng malay.
Talagang sobra-sobra na ang pagmamalabis at pang-aabuso ng mga makapangyarihan sa lipunang sadlak naman sa hirap at pagdurusa ng ordinaryong mamamayan.
0 comments:
Post a Comment