Kamakailan ay may ipinalabas ang Sine Totoo ng GMA 7. Ito’y isang dokumentaryo na pinamagatang “Pagpag”. Mapapanood ito ngayon sa pamamagitan ng Youtube. Siguro’y dapat na ipakita ito kay Donya Gloria ni Arnold Clavio at ni Howie Severino, o ng kanilang big boss na si Henry Gozon, na malapit kay Donya. (Ang ama ni Gozon ay nanilbihang kalihim ng Agrikultura noong kapanahunan ng ama ni Donya Gloria, si Diosdadong mahirap).
Mga sampung minuto lang ang dokumentaryong ito. Dito’y ipinakita kung paano sadyang pinagkakakitaan ang basura. “May pera sa basura,” wika nga. Ngunit ang kahindik-hindik na kaalamang pinakikita ng Sine Totoo ay kung paanong pagkain na ang basura ngayon. Ito ang “pagpag”.
Sa tuwing madaling-araw, may mga “scavenger” na nanglilimas ng mga basurahan ng mga malalaking fastfood na kainan, tulad ng Max’s, McDo, Jollibee at KFC. Ang hanap ay hindi papel na pinagbabalutan, o karton, o styropor, kundi mga tira-tirang pagkain, gaya ng mga buto ng “fried chicken”, kung saan may nakakabit pang kaunting laman. Paminsan-minsan ay marami pang laman, lalo na siguro’t batang maselan o busog na ang siyang pumapak ng order ng ama’t ina.
Lulan ng mga de-padyak na tricycle o ‘di kaya’y kariton, ang saku-sako ng basura ay dinadalang pauwi sa kanilang bahay sa squatters’ area.
Matutulog nang ilang oras, at pagkagising, katulong ang asawa’t mga anak, ay ihihiwalay ang mga tira-tirang piyesa ng manok na pinagkainan ng iba, at ilalagay sa karton. Pagkatapos, dadalhin ang mga karton sa carinderia, at ibebenta sa may-ari ng tig-singkwenta pesos bawat karton.
Huhugasan ito sa mainit na tubig (hindi pakukuluan dahil magkakalasug-lasog), at papagpagin ang pinaghugasan. Tapos, lulutuin na. Ipipritong muli, o ‘di kaya’y sasahugan ng bawang at paminta, toyo at suka, para maging adobo, o ‘di kaya’y gagawing apritadang “pagpag”.
Maya-maya, ibebenta na ito. Sampung piso ang maliit na mangkok ng apritada, kinse pesos ang pinirito (saksakan ng mahal yata ang mantika!), saka isang pinggan ng kaning NFA. Solve na solve na ang gutom ng mga kapitbahay.
Tinanong ng mga taga-media kung hindi ba sila natatakot na ma-food poisoning, ma-salmonella kaya, ngunit ang sagot ay “eto lang ang kaya namin,” o ‘di kaya’y “laman-tiyan din ito, napakuluan naman sa pagluluto,” at meron pang ibang buong pagmamalaking sinasabing, “pagpag ang siyang nagpapalakas sa akin.” Ipinakita pa ang isang sanggol na sumisipsip din ng pagpag. At sabi ng ina, “okay naman, hindi naman nagkakasakit, hiyang sa pagpag.”
Maski na matanda ka na, mahirap na hindi ka maiyak sa mga eksenang ito. Ito ang tunay na kalagayan ng maralitang taga-lungsod, ang mga dukha na “kinakalinga” ni Donya Gloria Macapagal-Arroyo, ang mga masang “minamahal” ni Erap.
Abante, Agosto 6, 2008
Wednesday, August 6, 2008
Pagpag
Posted by Lito Banayo at 4:51 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment