Magulo ang umpisa ng taong ito. Kay aga ay pulitika na ng 2010 ang siyang pinagkakaabalahan, at nag-umpisa ito noong binulalas ni dating Pangulong Erap Estrada ang kanyang balaking tumakbo muli para pangulo.
Ang dami na kasing mga nakalinya sa oposisyon na nais tumakbo sa pagka-pangulo. Nakalinya sa oposisyon, hindi tiyak kung tunay na oposisyon. Kasi noong 2001, si Manny Villar, si Mar Roxas, maging si Loren Legarda ay kakampi ng kasalukuyang administrasyon ni Donya Gloria. Matatandaang si Villar ang siyang nag-impeach kay Pangulong Erap noong Nobyembre 2000. Si Roxas naman ay naging Kalihim ng Pangangalakal ni Donya Gloria mula 2001-hanggang 2004, kung kailan tumakbo siyang senador sa tiket nito. Hindi rin nakisama sa hiling ng bayan na magbitiw si Donya Gloria bagama’t nabistong nandaya noong halalan ng 2004 ang dalawang ito. Mabuti pa si Loren, sapagkat noon pang 2004 ay humanay na sa oposisyon at naging katambal pa nga ni FPJ, dangan nga lamang at na-Garci at na-Esperon/Ebdane/Lomibao atbp. ang kanilang kandidatura.
Ngunit dahil mapagpatawad at makakalimutin si Ka Erap, tinangkilik niya maging sina Villar at Roxas bilang “oposisyon”. Kasama sina Ping Lacson, na simula’t simula pa ng maupo si Donya Gloria ay minarkahan nang kaaway ng administrasyon, at si Jojo Binay na makailang beses na tinangkang alisin sa pwesto bilang alkalde ng Makati, ang limang ito ang siyang mga binabanggit ni Ka Erap na pagpipilian para magkaroon ng iisang kandidato ang oposisyon.
Ngayon pa lamang ay kitang-kita na’ng mahirap mapag-isa ang mga lider na ito. Malamang sa hindi, sina Roxas at Villar ay kasado na, wika nga. Gayundin si Lacson. Baka sina Loren at Jojo ay hindi pa buo ang loob, at hihintayin ang mangyayari pa sa senaryo ng pulitika sa taong ito. Kaya nakapagtataka, nag-uumapaw na nga ang “oposisyon” sa tinaguriang mga “presidentiables”, e bakit nais pang tanggapin si Noli de Castro nitong mag-amang Estrada? Tila hinihikayat pang sumama sa oposisyon. Mas marami, mas masaya, gaya ng sinulat natin kahapon, pero mas magulo rin.
At bakit naman ikukonsidera si Noli de Castro sa oposisyon? Noong 2001, habang nasa piitan si Erap, tinangkilik pa siyang kandidato ng Pwersa ng Masa. Nagwagi siya, katunayan, Numero Uno. Pero matapos sumumpa, nakihanay na sa administrasyon ni Donya Gloria, bagama’t sinasabing siya raw ay “independente”, kuno. At naging bise-presidente pa nga ni Donya noong 2004. Nu’ng lumitaw ang Hello Garci, lumaban ba si Noli kay mandarayang Gloria? Hindi. Nakiramdam. Umiwas sa away. Tapos ngayon e ikukonsidera pa sa hanay ng “oposisyon”?
Talaga bang wala nang prinsipyo sa pamumulitika natin, maging sa oposisyon? Talaga bang kay kitid ng ating pananaw at kay daling makalimot? Trapung-trapo --- nakakasuka. Maski siguro si FPJ na nakahimlay na, bumabaligtad sa inis.
Hindi na nga magkandaugaga sa dami ng mga kandidatong nakalinya raw sa oposisyon, magdadagdag pa ng “imported” mula sa administrasyon? Kanya pala naman si Senadora Jamby Madrigal e matagal nang nawalan ng gana sa baligtaring posisyon ng pamumuno ni Ka Erap sa pulitika ng oposisyon.
Maaring sabihin ni Ka Erap na tinitiyak niyang mawawalan ng malakas-lakas na kandidato ang kampo ni Donya Gloria sa pagkupkop kay Noli, pero halimbawa mang kumagat si Noli, na tila hindi naman mangyayari, e di umimporta lang siya ng gulo sa hanay nila? Nagrarambol na nga, dinagdagan pa ang tagarambol.
Samantala, bagama’t malabong kumagat si Noli sa imbitasyon nina Ka Erap at Senador Jinggoy, nagiging pananaw lang ng sambayanan sa pulitika ng oposisyon at administrasyon ay --- pare-pareho lang kayo. Walang pinagkatandaan, walang prinsipyo. Hindi na ba kayo magbabago?
Abante, Agosto 1, 2008
Friday, August 1, 2008
Ano ba talaga, Ka Erap?
Posted by Lito Banayo at 4:36 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment