O hayan, ‘di mismong sa bibig na ng Donya nanggaling, na nais niyang baguhin ang sistema natin patungo sa isang federal na bansa.
Matatandaan ng mga tagasubaybay ng ating mga kolum, na noon pang isang buwan, isinulat natin sa pahayagang Malaya ang isang artikulong pinamagatang “Moro-moro in the works” na nagbibigay-babala sa balakin ni Donya Gloria na gamitin ang negosasyon sa mga MILF upang isulong ang pag-amyenda ng Saligang Batas.
Noong Lunes, sa bangketeng inihain niya sa pangulo ng bansang Suisa, na mukhang nasa pitong talampakan ang taas, dahil sa litrato ay tila abot-sikmura niya lang ang ating Donya Gloria, inamin na ng pumapangulo ng bansa na nais niyang palitan ang sistema, tulad ng sa Suisa, na isang pederasyon ng mga lalawigan o “canton” sa wika nila. Nauna rito, inamin ni Esperon at Dureza na para maisakatuparan ang MOA na kanilang isinusulong, kailangan ngang amyendahan ang Saligang Batas.
Wika nga ni Senador Ping Lacson noong unang lumabas ang ukol sa kasunduang ito, may “maitim na balakin” ang pamahalaang Arroyo.
Masyado naman yatang sinusuwerte si Donya Gloria. Nang-agaw na nga ng kapangyarihan mula kay Erap, at dahil dito ay umupo bilang pangulo mula Enero 21, 2001 hanggang Hunyo 30, 2004. Tatlong taon, limang buwan at sampung araw ang ninakaw kay Erap at sa sambayanang legal na inihalal si Erap. Pagkatapos, sa tulong ni Garci, Abalos, Esperon, Ebdane, Lomibao at iba pa, ninakawan ang sambayanan at si FPJ ng boto.
Kaya’t kung walang mangyayari sa kanya, anim na taong singkad, mula Hunyo 30, 2004 hanggang Hunyo 30, 2010, ay titiisin ng sambayanan ang kanyang liderato.
Walang pangulo, liban kay Marcos, ang naging pangulo sa mas mahabang panahon, at pumapangalawa na si Donya Gloria. Si Quezon ay anim na taong pangulo dito sa Pilipinas, at na-destiyero sa Amerika noong panahon ng pandaigdigang digmaan, hanggang sa doon na binawian ng buhay. Si Quirino ay naging pangulo ng higit anim na taon. Si Osmeña at Laurel ay ilang taon lamang. Si Roxas at Magsaysay ay namatay na ni hindi natapos ang kanilang unang termino. Si Garcia ay namuno ng limang taon at siyam na buwan lamang. Maging ang ama ni Gloria na si Diosdado ay isang buong termino ng apat na taon lamang, dahil tinalo na ni Marcos noong tangkaing magpa-reeleksyon. Matapos naman ang dalawampung taon at dalawang buwan ni Marcos, si Cory ay isang termino lamang, gayundin si Fidel Ramos. Pero si Gloria ay pitong taon, anim na buwan, at 23 araw na ngayon na nasa Malacañang. At malinaw na walang planong lumisan maski tapos na ang termino niya sa Hunyo 30, 2010.
Dahil sa pagnanasang ito, pati ang katahimikan sa Mindanao ay isinangkalan. Pati ang pagkakaisa ng bansa ay winasak. Pati teritoryo ng maliit nating republika ay pinakikialaman. At ngayong nag-umpisa nang sumabog ang kaguluhan, at maaaring maging ganap na pagdanak na muli ng dugo sa Mindanao, heto’t sinusulong na ang kanyang walang katapusang ambisyon.
Personal ang dahilan, sariling interes, at hindi ang kabutihan ng bayan ang siyang isinusulong. Matapos na makita ang kinasapitan ni Thaksin ng Thailand, siguro’y natatakot ang pamilya Arroyo sa maaaring sapitin nila kung wala na sa kapangyarihan. Bagama’t kaalyado sa pulitika ni Thaksin ang kasalukuyang namumuno na si Samak Sundarajev, hindi pa rin napigilang usigin si Thaksin sa kanyang mga kasalanan diumano sa bansa. At kung ating tutuusin, wala sa kalingkingan ng kasalanan ng pamilya Arroyo ang nagawa ng mag-asawang Thaksin Shinawatra.
Ngunit biglang lumisan si Thaksin at kanyang maybahay sa kanilang bansa bago maghatol ang kanilang Korte Suprema na may basehan ang pag-usig at pagkaso sa kanila sa salang graft and corruption. Kasalukuyang naka-destiyero sila sa Inglatera.
Bilog ang mundo, wika nga. Maski sa Pilipinas, bilog ang mundo. Gaya nga ng kasabihan nating mga Pinoy, “may araw ka rin”, at iyan ang kinatatakutan ni Donya Gloria.
Abante, Agosto 13, 2008
Wednesday, August 13, 2008
Sabi na nga ba
Posted by Lito Banayo at 4:54 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment