Bilang miyembro ng FSGO, isang grupo ng mga dating hinirang at nanilbihan sa bayan sa matataas na posisyon sa pamahalaan, at bilang isang mamamayang sawang-sawa na sa baluktot na pamamahala na batbat ng katiwalian, minabuti kong ilathala sa ating pitak ang “official statement” ng Former Senior Government Officials, na nilagdaan din ng iba’t ibang mga organisasyon ng mamamayang Pilipino, na nagbababala sa masamang pangitain na mukhang isusulong na muli ng pamahalaang Arroyo, ang pag-amyenda sa anumang paraan ng Saligang Batas, o sa kasukdulan, ang paggamit sa kaguluhan sa Mindanao upang manatili sa panguluhang hindi naman pinanalo sa paraang marangal:
“Kailangang Maghanda ang Mamamayan para Kumilos laban sa Pananatili sa MalacaƱang ni Gloria Arroyo.
“Mga mamamayan kami, mga indibidwal at organisasyon, na nababahala sa kasalukuyang nangyayari sa larangan ng pulitika. Kahit na maraming tumututol na lider ng administrasyon at oposisyon, patuloy pa ring nababalitaan na walang balak umalis si Ginang Arroyo sa MalacaƱang sa 2010.
“Hindi na sana pinag-uusapan ang pagbabago ng Saligang Batas sa pamamagitan ng isang Constituent Assembly, dahil malakas na tinututulan ito ng maraming Senador. Hindi kasi matutuloy ang isang Constituent Assembly kung hindi sasang-ayunan ng 2/3 ng Senado. Pero patuloy na sinasabi ng Mababang Kapulungan, ayon sa Speaker at sa Tagapangulo ng Komite sa Constitutional Amendments, na tatanungin daw nila tayong mga mamamayan kung nais nating magkaroon ng isang sistemang federalista, o dapat na magkaroon ng isang parliament, o kung ano pang kunwaring dahilan na maiisip ng mga Kongresista para magmukhang makabayan at hindi makasarili ang pagbabago sa Saligang Batas. May mga Kongresista pa nga na nagpahayag na ni hindi kailangan ang boto ng mga Senador dahil, ayon sa kanila, magkasama daw bibilangin ang boto ng mga Kongresista at Senador. Dahil napakarami ng mga Kongresista, bale wala ang boto ng mga Senador.
“Papalit-palit ang isip ng administrasyon tungkol sa labanan sa Mindanao. Sa simula ay minadali nila ang pagpirma sa MOA sa MILF tungkol sa Ancestral Domain. Pagkatapos ay bigla nilang kinansela ang usapang pangkapayapaan. Binuwag nila ang Peace Panel ng gobyerno. Nagsinungaling pa na hindi naman daw alam ni Ginang Arroyo na may pipirmahang MOA. Para pa ngang sila ang nagpasimula sa bagong labanan sa Mindanao. Parang sinadya talaga ni Arroyo na magalit ang MILF at ang iba pang armadong grupo. Parang gusto nilang gumamit ng dahas at tuluyang makipaglaban sa gobyerno ang mga ito. Balak yata ni Arroyo na gamitin ang gulo sa Mindanao bilang dahilan para isuspinde ang writ of habeas corpus o, huwag naman sanang mangyari, na tuluyang magdeklara ng Batas Militar. Ayon kasi sa Saligang Batas, mayorya lamang o nakararami ng mga Kongresista at Senador, na sabay bibilangin ang boto at hindi hiwalay, ang kailangan para payagan at ipagpatuloy ang Batas Militar.
0 comments:
Post a Comment