Matindi ang ginagawang pressure ng mga obispo at kaparian upang hindi maipasa sa Kongreso ang Reproductive Health Bill at maisabatas ito. Liban sa mga kalatas na pinalalabas ng mga obispo, at mga sermon ng kaparian sa mga misa sa kani-kanilang parokya, iniisa-isa ang mga mambabatas upang magbago ng kanilang mga paninindigan ukol sa nasabing panukalang batas.
May mangilan-ngilan na ngang kinatawan sa Mababang Kapulungan ang nagpalit ng kanilang paninindigan dala ng matinding “pressure” mula sa Simbahang Romano Katoliko. Nabawasan na ang mga awtor ng ilang nasindak ng kanilang mga obispo. Alam naman ng mga ito ang posisyon ng mga kaparian ukol sa anumang pagpapalaganap ng birth control liban sa tinatawag na “natural”. Ngunit pumirma pa rin sila maski na sila ay kaanib sa Simbahang Katoliko dahil alam nilang kailangan nang bawas-bawasan ang patuloy na lubhang pagdami ng ating populasyon.
Kahanga-hanga sana ang kanilang paninindigan para sa kapakanan ng mga kababaihan at kapakanan ng ekonomiya, na siyang naging dahilan upang lumagda sila sa panukala, bagama’t alam nilang kontra ito sa dogma ng kanilang simbahan. Kaya’t kung sila’y umatras matapos ma-pressure ng mga obispo at kaparian, e malinaw na takot sa kapangyarihan ng kaparian na maaaring gamitin sa susunod na halalan. Mababaw, ngunit ito ang realidad ng pulitika, lalo na sa mga lalawigan.
Kaya’t bagama’t ako ay Katoliko, humahanga ako sa posisyon ng Iglesia ni Cristo sa usapin ng reproductive health at population management. Para sa kanila, ang kay Caesar ay kay Caesar, at ang sa Diyos ay sa Diyos,
gaya ng nakatala sa banal na bibliya. At ang isyu ng pagpigil sa lubhang parami nang paraming populasyon ay desisyon ng estado (Caesar) para sa kapakanan ng bayan. At dahil malinaw rin naman sa Saligang Batas ng bansa ang paghihiwalay ng simbahan at estado, e nararapat lamang na sa usaping ganito, ang paninindigan ng estado ang siyang masusunod. Sila ang gumagawa ng batas, at sila rin ang nagpapairal nito.
Hindi naman tinatanggal ng estado sa simbahan ang karapatang pangaralan ang kanilang mga kasapi. Bahagi ito ng karapatan sa pananampalataya. Kaya’t kung alituntunin ng Simbahang Romano Katoliko na masama ang birth control, e walang hahadlang sa kanilang pangaralan,
maski pa badyaan ang kanilang mga kasapi. Sabihin man nilang pupunta sa impiyerno ang magbi-birth control sa artipisyal na paraan, nasa kanila iyon, pero hindi naman dapat na gamitin nila ang estado para ipatupad at ipairal ang kanilang posisyon sa isyung ito.
Bakit pamahalaan ang siyang dapat magpatupad ng alituntunin ng Simbahang Katoliko, e hindi naman lahat ng Pilipino ay kasapi ng Simbahang Romano? At maging kasapi man, may sariling isip at karapatan ang bawat isa na dapat ay pangalagaan ng pamahalaan,
lumabag man ito sa nais ipairal ng kanilang simbahan.
Kaya’t ako ay humahanga sa mga mambabatas sa dalawang kapulungan na naninindigan para sa panukalang batas ng reproductive health bill,
0 comments:
Post a Comment