Itinalagang deputy National Security Adviser ang dating gobernador ng Ilocos Sur at natalong kandidato ni Donya Gloria sa pagka-senador noong nagdaang taon, si Luis ‘Chavit’ Singson.
Sa ibang bansa ay napakahalaga ang puwesto ng National Security Adviser. Bagama’t hindi naman tayo kasing-kapangyarihan ng mga bansang tulad ng Estados Unidos, aakalain mong bibigyan naman ng sapat na pagpapahalaga ni Donya Gloria ang puwestong ito. Ang mga nauna sa kanya sa Malacañang ay sinu-sino ba ang ninombra? Kay Erap,
si Alex Aguirre, na minana pa kay FVR. Si Ramos naman, ang malalim na si Jose Almonte, isa ring retiradong heneral. Si Cory Aquino, ang respetadong heneral na si Rafael Ileto. Maging si Donya, nu’ng unang maupo sa Malacañang noong 2001, ay hinirang si Roilo Golez, na mahusay na administrador bukod sa pagiging Annapolis graduate.
Pero nang lisanin siya ni Golez, bigla na lang sumulpot itong si Norberto Gonzales, na dating Presidential Adviser on Special Concerns, anuman ang ibig sabihin nu’ng puwestong iyon. Ayon sa pagbunyag ni dating Rep.
Rolex Suplico na ngayon ay bise-gobernador ng Iloilo, habang tinutuligsa niya ang muntik na ring pakikipagkasundo sa MILF noon pang 2003, ang tinapos nitong si Gonzales ay pre-med. May plano palang magdoktor na naunsyami. Nauwi tuloy sa national security.
Ngayon naman, si Chavit ang hinirang na pangalawa kay Gonzales. Dati namang embalsamador (opo, hindi niya ito itinatanggi, pagka’t negosyo ng pamilya nila ang punerarya), liban sa pagkatagal-tagal na gobernador. Wika nga ng isang judge sa Nevada, USA, si Chavit ay isang “demonstrably corrupt governor from the Philippines”. O, ano pa ang angal ninyo? Isang pre-med, tutulungan ng isang embalsamador. Kaya naman pala hinirang ni Donya Gloria.
Ito namang isa pang talunan, si Prospero Pichay, nahirang sa Local Water Utilities Administration (LWUA), matapos na paglawayin na siya ang uupo bilang tagapag-ingat ng bilyun-bilyong pisong pondo ng OWWA, na dugo at pawis ng mga “bagong bayani” (kuno). May puso naman pala si Donya Gloria, wika ng kaibigan kong si Nixon. Naawa naman sa mga OFW, at hindi doon inilagay si Prospero.
Tinatawag na “presidential prerogative” ang paghirang ng mga opisyal sa pamahalaan. Kaya lang, para kay Donya Gloria, ang prerogative ay kapritso. Basta’t gusto niya, period. Manigas kayo.
***
Mukhang naaayos na ang suliraning idinulog sa atin noong taga-Calamba,
na bumili ng bahay at lupa sa Mahogany Villas. Ito’y agad na inaksyunan ni Kabayang Noli, ang pangalawang pangulo na siya ring taga-pangulo ng HUDCC. Sa ikalawang sulat sa atin ni Bise Presidente, sinabi niyang malamang ay sa Phase Two ang naturang kabahayan, at nangako raw ang developer na aayusin na nila ang supply ng kuryente roon, na pansamantala pa lamang at hindi pa naililipat sa Meralco. Salamat,
Kabayan!
***
Panay ang liham sa atin ni Philip Regis Gomez, ng All Star Cast productions, ukol sa hindi diumano pagbayad sa kanya ng tama ng isang pribadong kumpanya, ang Island Cove Resort sa Cavite. Ito’y patungkol sa hatian sa kita ng isang fashion show kung saan naagrabyado raw siya.
Kung wala namang kasangkot na ahensya ng pamahalaan, o ‘di kaya’y may agarang maitutulong ang ahensya ng pamahalaan, ayokong sumawsaw sa pribadong problema, Ginoong Gomez. Sapat na siguro ang mabanggit ko ito sa ating pitak, at sana naman ay natulungan ko kayong mapaabot sa mga may-ari ng naturang pribadong otel. Kung sadyang hindi makatarungan ang ginawa sa inyo, maaari naman kayong dumulog sa husgado o piskalya.
0 comments:
Post a Comment