Tuesday, September 2, 2008

Nanglalaglag

Ngayong hindi talaga mabigyan ng magandang rasyonalisasyon ang pakiki­pag-kasunduan sa MILF ukol sa tinatawag na “ancestral domain”, at maski ang ilang mahistrado ng Korte Suprema ay hayagan nang

sinasabing labag sa Saligang Batas ang ilang mga probisyon ng MOA, ay makikitang nanglalaglag na si Donya Gloria ng kanyang mga tauhan.


Kung dati-rati’y pinagmamalaki pa na malapit na ang katahimikan at kapayapaan sa Mindanao, bungsod ng pakikipagkasundo, at ito’y mismong sa SONA pa binanggit ni GMA, ngayon ay umaatras. Para lamang hindi mahatulang labag sa Saligang Batas ang kanyang ginawa, na maaring maging dahilan upang siya ay makasuhang muli ng impeachment,

ipinalalabas ng Malacañang, sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalita at ng Solicitor General, na walang kinalaman si GMA sa usaping iyon at sa MOA na pinag-kasunduan.


Ang ibig ba nilang sabihin, gawa-gawa lamang ni Rodolfo Garcia at ni Hermogenes Esperon ang MOA na ito? Na mangangahas ang dalawang ito na pumirma para sa Republika ng Pilipinas na walang kaalaman at pahintulot ng kanilang pangulo? Sino naman ang maniniwala sa ganyang hibla ng kwento?


E ayun nga at sa dayuhang bansa pa gagawin sana ang paglagda sa kasunduan, at nangumbida pa ng mga embahador, tulad ni Kristie Kenny ng Estados Unidos, at maging embahador ng Hapon at Australia. At mismong Foreign Minister pa ng Malaysia ang siyang lalagda bilang testigo. Kung nagkatuluyan ang paglagda, tali na tayo sa kasunduang ito,

at maski na maghabla ang MILF sa United Nations, o sa International Court of Justice, e talo tayo, dahil doon ay hindi kinikilala ang dahilang labag sa sarili nating Saligang Batas. E labag pala, bakit kayo nakipagkasundo? Oras na makipagkasundo ka, tali ka na sa kasunduang iyon.


Kaya nga ngayon ay iginigiit ng MILF na dahil may mga initials na sina Garcia at Esperon, ay “done deal” na raw. Kaya’t pilit nilang sinasabing may kasunduan na at dapat natin itong ipatupad.


Maging ang pag-atake nina Bravo at Kato ay hindi maaaring idahilan upang hindi sundin ang kasunduan, kung nagkapirmahan nga. Mabuti na lang at pinigil ng Korte Suprema, at hindi nagkatuluyan.


Pero ngayon, dinideklara ni Solgen Agnes Devanadera na hindi pipirmahan ang kasunduan, ano mang porma meron ito. Nais lang niyang iligtas ang kanyang among si Donya Gloria sa posibleng basehan para sa

impeachment. Ang laro ng Malacañang ay ideklara na lamang na “moot and academic” ang isyu, at huwag nang hatulan na ito ay labag sa Saligang Batas, tutal ay hindi nagkatuluyan, at ngayon ay sinasabi ni Donya Gloriang hindi na niya itutuloy.


Paano ngayon ang magiging posisyon ng MILF? E niloloko lang pala sila ng pamahalaan ni Donya Gloria? Pinasakay, pagkatapos, umatras at nagpakatalusira. Siguradong matapos ang Ramadan, lalong sisilakbo ang gulo sa Mindanao. Talagang napariwara ni Gloria Macapagal-Arroyo ang buong bansa, at isinadlak sa gulong kay hirap ngayong resolbahin. Sa wikang Ingles, ito ay “treason”, na sa ating pananalita ay pagiging traydor sa bayan.


0 comments: