Mula kay Ferdie ng Quezon City, na nagtatarabaho sa Commission on Audit, nakatanggap tayo ng liham:
“Napakarami namang butas sa pabagu-bagong pag-isplika nina Senate President Manny Villar at mga kaalyado niya ukol sa bukol na 200 milyung pisong dagdag niya sa budget. Tuloy ay lalo lamang nilang binigyan ng lubid si Villar upang maibigti ang kredibilidad nito.
“Maliwanag na pareho ang tinutukoy na proyekto. Kung ito’y magkaiba, dapat ay malinaw na isinulat kung mula saang kilometro patungo sa kung anong kilometro ng tinaguriang C-5 Road na pareho rin pala ng Carlos P. Garcia Avenue. Sa tagal na naming nagsusuri sa mga gastusin ng pamahalaan, ngayon lang kami nakakita ng ganitong maliwanag na double entry.
“Nu’ng naglubid-lubid ang paliwanag ni Villar, na ‘diumano’y ayaw aminin, pagkatapos umamin din ukol sa dobleng P200 milyon, sinabi namang fly-over daw ang karagdagang P200 milyon. Ano ba talaga? Kalsada o fly-over? Nakapagtataka, sina Andaya at Ebdane pa ang siyang nagdedepensa kay Villar, na ayon kay dating Pangulong Erap, ay “oposisyon”. Nakatutuwa!
Sino ang kanilang pinaglololoko?”
***
Mula naman kay Mon ng lalawigan ng Quezon: “Mayabang na sambit ni Senador Cayetano, ang 200 milyung piso ay barya lamang sa isang bilyunaryong tulad ni Villar. Naalaala ko ang sinabi ng isang senador din nu’ng panahon pa ni Pangulong Garcia, “Millionaires don’t steal”. Binanatan siya ni Senador Claro Mayo Recto, na sinabing ang tanong ay simple, nagnakaw ba o hindi, mahirap man o mayaman.”
Dagdag ni Mon: “E hindi ba itong si Villar ang siyang minadali ang pag-upo ng pinakamalaking kurakutero sa ating kasaysayan, matapos na talikuran si Pangulong Erap bilang Speaker of the House? Ngayong lumalabas na ang kasakiman ay mahirap talagang supilin ng mga may “immoderate greed”, sino ang nagtatanggol sa kanya, kundi mga alipores ni GMA. Wika nga sa Barangay Ginebra --- “Bilog ang Mundo”!
***
At habang sinusulat natin ito, banner story ng ating pahayagang Malaya ang Chapter Two ni Ping Lacson ukol kay Villar.
Noon palang 1998, kauupo pa lang ni Villar bilang Speaker, sa panguluhan ni Erap, nag-privilege speech itong kanya ngayong masugid na alalay, si noo’y Cong. Joker Arroyo ng Makati, kung saan inakusahan si Villar ng katakut-takot na dami ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na diumano’y paggamit ng kanyang kapangyarihan at posisyon bilang congressman para kumita ng limpak-limpak na bilyones sa NHMFC at Pag-ibig! At nag-convert pa raw ng kulang-kulang anim na libong ektarya ng lupa na dapat ay sakahan, upang gawing mga subdivision ng kanyang mga kumpanya. Nasa records ng Kamara de Representantes iyan at permanente nang nakatitik sa opisyal na talaan ng ating kasaysayang pulitikal.
Kay aanghang ng mga pananalitang binitiwan ni Cong. Joker Arroyo noon laban kay Villar. Pero ngayon, tuta na si Senador Arroyo ni Villar. Paanong lulunukin ni Joker ang laway na kanyang ipinutak sa Kongreso noon ukol kay Villar?
He, he, he ... joke only iyon?
0 comments:
Post a Comment