Wednesday, September 10, 2008

Dobol trobol

Ang pamagat ng pitak natin ngayon ay hango sa pelikula ng King of Philippine comedy, na si Dolphy. Bagama’t hindi ko napanood ang pelikulang ito, siyang pumasok sa aking isip nang mabuking ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson noong Lunes, ang “double appropriations” o doble-bad­yet para sa isang lansangan sa Parañaque. Nagkabuhul-buhol sa pagsagot ang henyo ni Donya Gloria sa palusot, manang-mana sa kaibigan niyang si Mike Defensor. Ang tinutukoy ko ay ang kalihim ng DBM na si Rolando Andaya Jr. Siya ang na-dobol trobol.


Noon palang budget ng 2008, na siya nating ginagasta ngayon, ay dalawang beses inilista ang iisang proyekto, at bawa’t lista ay pinondohan ng 200 milyung piso, o 400 milyung piso sa kabuuan. Sa General Appropriations Act for Metro Manila, inilista ang “President Carlos P.

Garcia Avenue extension from SLEX to Sucat” at pinondohan ng 200 milyon. Sa listahan naman ng “urgent infrastructure including local projects”, may 200 milyong pondo rin para sa “construction of C-5 Road Extension from SLEX to Sucat Road”.


Ang siste, pareho ang C-5 Road at Pres. C.P. Garcia Avenue. Ipi­nangalan na pala kay yumaong Pangulong Garcia ang C-5. Natiklo ng matalas na mata ni Ping Lacson. Buking!


Napatigil ang unang hearing sa Senado ng badyet, na ang nagpi-preside ay si Senador Juan Ponce Enrile, Chairman ng Committee on Finance, at masugid na alyado ni Donya Gloria. Maski siya ay napatanga. Oo nga naman. Si Andaya naman ay nagmukhang hil­o, at humingi ng suspension, samantalang sinangguni sa kanyang mga katulong at assistant sa DBM.


Matapos maki-sangguni, sinabi ni Andaya na hindi sila sa DBM ang may gawa ng badyet na iyan, at ito’y dumaan sa Kongreso, kaya’t ang pagkaka-doble raw ng 200 milyon ay isang “congressional insertion”. Ibig sabihin, isiningit ng Kongreso!


Inipit siya ngayon ni Lacson. “Kung pinalalabas mo na ang Kongreso ang nagsingit, sino sa Kongreso? Mababa o mataas na kapulungan?”


Bakas sa mukha ni Enrile ang pagkakamangha. Siya mismo hindi alam ang nangyari, at nagtataka sa pangyayaring ito. Ang naka-imprentang kopya ng budget, matapos na suriin sa komite at sa bicame­ral conference committee, at matapos magkaroon ng floor debates, sa Kamara at sa Senado, ay sinisertipikahan ng apat na tao: Ang chairmen ng Appropriations Committee sa House (Edcel Lagman) at ng Finance Committee sa Senador (JPE), at pagkatapos ay nilalagdaan ng Speaker (Joe de V pa noon) at Senate President, si Manny Villar. Sino ang nagpalusot, kung tatanggapin ang palusot ni DBM Andaya?


Nang hindi makapagbigay ng maayos na sagot si Andaya, sinabihan siya ni Lacson na “obligasyon mo bilang opisyal na usigin at sampahan ng kriminal na kaso ang sinumang nagsingit nitong dobleng badyet na ito, maging sino pa man, Malacañang o Kongreso, o sinuman, congressman o senador”.


Maya-maya’y nagsalita na muli si Andaya. “Hindi pa ho na

iri-release ang pondong ito”, ang sunod niyang palusot. Kung saan sinabihan naman siya ni Lacson, “ipakita mo sa amin ang mga SAR­O at NCA (papeles na nagpapatunay ng release ng pondo mula sa DBM) upang patunayang hindi pa kayo nagri-release”.


Sinuman ang nakaisip ng kawalanghiyaang ito ay nuknukan ng pagka-magnanakaw. Isipin mo, gumagawa ng 200 milyon na parang bula? Nag-doble lista lamang, gumawa na ng dobol trobol? Tumataginting na salapi ng bayang basta na lamang ibubulsa, kung hindi nabuking ni Ping!


Ke nai-release o hindi ang salaping ito, krimen pa rin sa ating batas ang ginawa. At hindi dapat palampasin, kung sino man ang tao, o koponan ng mga taong ito.

0 comments: