Namatay na pala si Mang Pandoy, na siyang naging simbolo ng maralitang taga-lungsod noong kampanya ng 1992, at inanyayahan pa ni Pangulong Fidel Ramos sa kanyang pasinaya noong Hunyo 30, 1992 sa Luneta. Sa kanyang talumpati, nangako si Ramos na pagtutuunan ng pansin ng pamahalaan at gagawing prayoridad ang pagpapaunlad ng ekonomiya, upang mabiyayaan naman ang mga katulad ni Mang Pandoy.
Ngayong siya ay pumanaw na, saka lang nanariwa sa ating mga isipan kung ano ang nangyari kay Felipe Natanio, alias Mang Pandoy. Siya pala ay nabigyan ng animnapung metro kwadrado ng lupa ng NHA sa Caloocan,
na huhulugan buwan-buwan ng singkwenta pesos lamang. Binigyan siya ni Speaker Joe de Venecia ng 8,000 piso upang makapagpatayo ng bahay sa lupang iyon. Ngunit ibinenta lamang ni Mang Pandoy sa halagang P18,000 ang lupa at bumalik sa squatter area sa Quezon City kung saan siya nagtayo ng kabahayang maliit. Kinuha siyang “consultant” ni Speaker Joe, at sinuwelduhan ng 6,000 piso bawat buwan, ngunit ito’y parang pabuya lamang, at hindi naman siya talagang nagtrabaho. Nagkaroon pa ng programa sa PTV-4, na pinamagatang “Ang Pandayan ni Mang Pandoy”, ukol sa mga suliranin ng mahihirap, kung saan binayaran siya ng 2,000 piso tuwing lingo. Ngunit hindi nagtagal ang programa, at noong 1995 ay itinigil na sa ere. Liban sa mga ito, binigyan pa siya ng pautang na 200,000 piso diumano para ipuhunan sa negosyo, na hiniling ni Pangulong Ramos kay dating QC alkalde Mel Mathay.
Sa lahat ng mga biyayang ito, iisipin mong dapat ay matiwasay na ang pamumuhay ni Mang Pandoy at kanyang pamilya. Pero heto’t naalala na lamang muli nang siya ay pumanaw, halos kasing hirap pa rin ng noong siya ay nadiskubre ni Randy David, at itinanghal sa programa sa telebisyon upang itanong sa mga pulitikong kandidato noon sa pagka-pangulo, kung ano ang kanilang gagawin para sa mga tulad ni Mang Pandoy.
Maaaring inaksaya ni Mang Pandoy ang mga biyayang naibigay sa kanya bilang simbolo ng karalitaan. Maaaring dala ng kasikatan noon at kali-kaliwang mga pabuya ay hindi niya pinagplanuhan kung paano gagamitin ang mga biyaya upang mapabuti ang kalagayan niya at mga anak sa buhay. Maaari rin namang dala ng kakulangan ng pinag-aralan ay hindi siya marunong ng mga pamamaraan upang makaangat sa buhay, at umasang palagian siyang bibigyan ng pamahalaan.
“May hangganan din naman ang pamimigay (charity),” wika nga ni Profesor David.
Ano nga ba ang responsibilidad ng pamahalaan sa kanyang mamamayan, lalo na sa mga mahihirap? Una ay pantay-pantay na pagpapairal ng batas, na walang kinikilingan, walang pinapaboran. Kasama na riyan ang pagpapairal ng kaayusan at katahimikan sa lipunan. Pangalawa ay makapagbigay ng mga batayang serbisyo, tulad ng edukasyon, kalusugan, at mga imprastrakturang kailangan para lumago ang kalakalan at magka-mayroon ng hanapbuhay ang lahat ng nais at kayang maghanapbuhay.
Sa pamamagitan ng mga ito, nabibigyan ng pamahalaan ang maski sinong Pilipino ng pagkakataong umasenso at umangat sa buhay. Mag-aral ka ng wasto, magsipag ka sa trabaho o hanapbuhay, at aasenso ka.
Sa pagdaan ng panahon, nakikita nating pasama ng pasama ang serbisyo publiko na dapat ay responsibilidad ng pamahalaan sa mamamayang binubuwisan nito. Nu’ng araw, maski sa public school ka lamang nagtapos, may laban ka na sa buhay. At kung makapagtapos ka ng kolehiyo, madali kang makahanap ng trabaho. Kung magkasakit ka, maaasahan ang PGH o San Lazaro, o iba pang mga pagamutan at ospital na pinatatakbo ng pamahalaan. Hindi ka takot maglakad sa kalye maski gabi, dahil may katahimikan at kaayusan.
Parang naglaho na ang panahong iyon. Lalo nang mahirap para sa milyun-milyon pang mga “Mang Pandoy” ang magkaroon ng patas na laban sa kanilang buhay.
0 comments:
Post a Comment